BBL, aprubado na sa Kamara; 227 pabor, 11 tutol, 2 abstain
Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill 6475 o ang Bangsamoro Basic Law (BBL) proposal.
Inaprubahan ang panukalang ito matapos na 227 kongresista ang pumabor, 11 ang tumutol at dalawa ang nag-abstain.
Naging madali ang proseso sa pag-apruba sa BBL proposal matapos na sertipikahang “urgent” ito ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes.
Sa ilalim ng inaprubahang substitute bill, bubuwagin na ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at papalitan naman ng Autonomous Region of Bangsamoro (ARB).
Mananatili rin sa national government ang kapangyarihan sa defense, external security, foreign policy, coinage, at postal service.
Nangangahulugan lamang ito na mananatili pa rin sa national government ang kapangyarihan sa pagkakatalaga ng pulis at militar sa ARB, subalit maari raw mag-apply rito ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Hindi naman din aalisin ang sistema ng Shariah Court sa ARB.
Magkakaroon naman din ito ng sariling appelate court katulad na lamang ng Court of Appeals ng national government subalit ang mga desisyon nito ay maari pa ring iapela sa Korte Suprema.
Pagkakalooban din ng limang porsiyentog block grant ang ARB mula sa national government kada taon upang tulungan ito sa pag-unlad.
Samantala, isang beses na lamang magkakaroon ng plebesito.
Isasagawa ito sa loob ng 90 araw hanggang 120 araw matapos na pirmahan ng punong ehekutibo ang panukalang ito.
The post BBL, aprubado na sa Kamara; 227 pabor, 11 tutol, 2 abstain appeared first on - News Portal Philippines.
Komentar
Posting Komentar