Pangulong Duterte dinepensahan ang pagtanggal ng comfort woman statue sa Roxas Boulevard
Nilinaw ni Pangulong Duterte na walang dapat ipag-aalala sa pagtanggal sa comfort woman statue sa Roxas Boulevard sa Maynila.
Sa isang punong balitaan na ginanap sa Davao City pagkauwi ng pangulo mula Singapore ay sinabi nito na sa katunayan ay hindi niya alam na mayroon palang comfort woman statue. Aniya pa, hindi niya rin alam kung sino ang nagpatanggal nito.
Ayon pa kay Duterte, maaari namang ilipat sa ibang lugar ang comfort woman statue. Ngunit aniya, hindi niya gustong insultuhin ang mga Hapon sa pamamagitan ng nasabing rebulto.
Paliwanag pa ng pangulo, hindi kasi bahagi ng polisiya ng pamahalaan ng Pilipinas na galitin ang ibang mga nasyon. Pero kung itatayo ito sa pribadong lupa ay irerespeto ito ng gobyerno.
Ayon pa kay Duterte, masakit man para sa mga kamag-anak ng tinaguriang comfort women ang ginawa ng mga sundalong Hapon noong World War II ay humingi na ng tawad ang Japanese government tungkol dito.
Samantala, noong Enero ay sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano na mayroon nang binuong inter-agency group na magsisiyasat tungkol sa nasabing rebulto.
Aalamin ng inter-agency group kung sino ang nagpatayo ng comfort woman statue, bakit ito itinayo, at kung sino ang nagbigay ng permit para sa pagtatayo nito.
Unang naging maingay ang tungkol sa rebulto na nakatayo malapit sa Japanese Embassy noong 2017 matapos itong ireklamo ng mga Japanese officials.
The post Pangulong Duterte dinepensahan ang pagtanggal ng comfort woman statue sa Roxas Boulevard appeared first on - News Portal Philippines.
Komentar
Posting Komentar