PNP sa mga magulang: ‘Bantayan ang mga anak, NPA nagre-recruit sa mga student orgs’
Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang mga magulang na bantayan ang mga aktibidad ng kanilang mga anak sa summer break.
Kasunod ito ng mga ulat na napasok na umano ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang ilang mga student organizations sa mga paaralan at unibersidad.
Ayon kay PNP spokesman C/Supt. John Bulalacao, namataan daw kasi ang ilang mga college students na kasama ng mga kasapi ng rebeldeng grupo sa iba’t ibang mga lugar sa bansa na itinuturing na teritoryo ng NPA.
“The Philippine National Police discourages students from venturing into insurgency-affected areas to join summer off-campus activities that are organized by groups that may have been infiltrated by front organizations of the terrorist CPP-NPA,” saad ni Bulalacao sa isang pahayag.
Sa ilang pagkakataon daw kasi, sumasama ang mga estudyante sa ginagawang pananalakay o pananambang ng mga bandidong grupo sa puwersa ng gobyerno.
Kaya naman, wika ni Bulalacao, dapat na matyagan pa lalo ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil inaasahan umanong mas paiigtingin pa ng PNP at ng militar ang mga operasyon kontra sa komunistang grupo.
“I advise these students to avoid compromising situations and possible conflict with the law while engaged in CPP-NPA activities,” ani Bulalacao.
Kung maaalala, nito lamang nakaraang taon nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang mga terorista ang CPP-NPA.
Kasunod nito, binantaan din ni Pangulong Duterte ang mga legal fronts ng NPA na umano’y nagagamit para makapag-recruit ng mga bagong kasapi ng rebeldeng grupo.
The post PNP sa mga magulang: ‘Bantayan ang mga anak, NPA nagre-recruit sa mga student orgs’ appeared first on - News Portal Philippines.
Komentar
Posting Komentar