South Korea, iginiit na hindi nila intensyon pabagsakin ang North Korea gamit ang mga sanctions
Nanindigan ang South Korea na hindi nila intensyong pabagsakin ang North Korea sa pamamagitan ng mga ipinatutupad na sanctions laban sa nasabing bansa.
Ito ay ayon mismo kay South Korean Foreign Minister Kang Kyung-wha sa U.N. Conference on Disarmament, na dinaluhan rin ng kinatawan ng North Korea.
Ayon kay Kang, layon lang nilang ipaunawa sa North Korea na hindi naka-depende ang kanilang kinabukasan sa nuclear weapons, bagkus sa pakikipagtulungan sa global community tungo sa denuclearization.
Ang tangi lang aniya nilang mensahe sa North Korea ay ang gawin ang tamang desisyon at sakali mang ito ang kanilang gawin ay handa ang South Korea na makipagtulungan para matiyak ang mas magandang kinabukasan ng naturang bansa.
Gayunman, inakusahan ni North Korean ambassador Han Tae Song ang Estados Unidos sa paggawa ng mga aniya’y mapanganib na hakbang na humahamak sa inter-Korean relations na unti-unti nang bumubuti matapos ang Winter Olympics.
Giit pa ni Han, kailanman ay hindi kayang takutin ng U.S. ang Democratic People’s Republic of Korea sa pamamagitan ng mga sanctions nito.
Kaugnay nito ay hinimok ni Han ang Trump administration na itigil na ang panggigipit sa kanila na nagpapaigting lang ng tensyon sa Korean peninsula, tulad ng mga joint military exercises na nanggugulo sa kanilang regional peace and security.
The post South Korea, iginiit na hindi nila intensyon pabagsakin ang North Korea gamit ang mga sanctions appeared first on - News Portal Philippines.
Komentar
Posting Komentar