Sereno, hindi magbibitiw sa pagiging punong mahistrado
Hindi magbibitiw sa puwesto si Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ang binigyang-diin ng kampo ni Sereno kasunod ng pagkalat ng manifesto sa Korte Suprema na nanawagan ng resignation ng punong mahistrado sa gitna ng impeachment hearing sa Kamara.
Ayon kay Atty. Josa Deinla, isa sa mga tagapagsalita ni Sereno, mahirap na paniwalaan na malakas ang panawagan sa resignation ng Chief Justice lalo pa at wala naman daw signatories ang tatlong pahinang manifesto na ito.
Subalit hindi naman daw nila maintindihan kung bakit tila nagpapasalamat pa raw ang mga nagsulat ng naturang manifesto sa impeachment complainant na si Atty. Larry Gadon.
Mistulang kumbensido raw kasi ang mga ito na totoo ang mga alegasyon ni Gadon laban kay Sereno.
Gayunman, iginiit ni Deinla na ginagalang pa rin nila ang opinyon ng mga nasa likod ng naturang manifesto.
Samantala, sinabi naman ni Gadon na dapat ituloy na ni Sereno ang bakasyon nito at magbitiw na lamang sa puwesto.
Napaka-obvious na raw kasi na talagang hindi makakalusot ang punong mahistrado sa imbestigasyong ikinasa ng House justice committee at maging sa pagharap daw nito sa Senate impeachment court.
“Very obvious na ito eh. The writings are on the wall na talagang hindi na siya makakalusot dito. Dahil unang una saan ka ba naman nakakita na hindi nag sumite ng statement of assets, liabilities and networth (SALN) pero natalaga bilang chief justice,” ani Gadon.
The post Sereno, hindi magbibitiw sa pagiging punong mahistrado appeared first on - News Portal Philippines.
Komentar
Posting Komentar