Ilang malalayong barangay, inabot na ng buga ng abo sa latest Mayon activity
(Update) LEGAZPI CITY – Malayo ang naging tapon ng buga ng abo sa pinaka-latest na aktibidad ng bulkang Mayon dakong alas-12:00 ng tanghali kanina.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Camalig Mayor Ma. Arhdail Baldo, sinabi nito na bigla na lamang umanong nagdilim ang paligid sa naturang bayan na sinundan ng makapal na ashfall.
Ayon pa kay Mayor Baldo, umabot na rin ang abo sa ilang southern barangays na hindi naman umano dating dinaraanan kagaya na lamang ng Brgy. Cabraran, parte ng Cotmon, Quituinan at iba pang lugar.
Una na ring inilipat ang operasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Camalig sa Quituinan matapos na maranasan ang pagbagsak ng abo noong nakaraang linggo.
Naobserbahan naman ang pag-iba ng direksyong tinahak ng hangin kaya’t pinakaapektado nito sa ngayon ang naturang bayan.
Tuloy-tuloy naman umano ang pag-distribute nila ng mga face masks sa mga residente bilang proteksyon sa nakaambang panganib sa paglanghap sa abo.
Nagbaba rin ng direktiba si Mayor Baldo sa pulisya sa pagkontrol sa daloy ng trapiko lalo na sa malabong kalsada sa tuwing nag-aalburuto ang bulkan.
Bukod sa bayan ng Camalig, apektado rin ang kanlurang bahagi ng Guinobatan, bahagi ng Legazpi City at ilang barangay sa bayan ng Daraga.
Samantala, sa nakalipas na magdamag mahigit 100 mga pagyanig ang naitala sa bulkang Mayon habang patuloy na naoobserbahan ang iba pang mga aktibidad nito.
Batay sa latest volcano bulletin na ibinaba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot sa 119 volcanic earthquakes ang nakita sa seismic monitoring network gayundin ang siyam na tremors o pagyanig kung saan dalawa sa mga ito ang nagresulta sa lava fountaining events.
Kaugnay nito, naitala rin ang 68 rockfall events o paggulong ng mga bato na mula sa pag-collapse ng lava front at pagkawala ng lava patungo sa mga dinadaluyang channel na Bonga at Miisi Gullies.
Samantala, umabot naman sa isa’t kalahating kilometro ang buga ng abo mula sa bunganga ng bulkan sa lava fountaining event dakong alas-11:00 kagabi kasabay ang nasa 200 metro na taas ng lava.
Nananatili namang mataas ang buga ng asupre sa bulkan na umabot sa mahigit 1, 900 na tonelada sa pinakahuling sukat noong Enero 25.
Una nang inihayag ni Phivolcs Dir. Renato Solidum na hindi pa tumitigil ang aktibidad ng bulkan kahit pa madalas itong natatakpan ng mga ulap.
The post Ilang malalayong barangay, inabot na ng buga ng abo sa latest Mayon activity appeared first on - News Portal Philippines.
Komentar
Posting Komentar