Trillanes pinagbabayad ng P6.6M para sa paninira sa pamilyang Duterte
Sinuportahan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang naging hakbang ng kaniyang asawa at kapatid na pagsasampa ng kasong sibil laban kay Senador Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV.
Ayon sa Alkalde, panahon na para kumilos laban sa ginagawang paninira ni Trillanes sa kanilang pamilya.
Ipinagkibit-balikat lamang ni Mayor Sara ang pahayag ni Trillanes na isa itong uri ng harassment dahil ang senador aniya ang nauna kaya’t sumasagot lamang sila sa mga ginagawa nito.
Humihingi ng danyos na P6.6 milyon si Davao City Vice Mayor on leave Paolo ‘Pulong’ Duterte at bayaw nitong si Atty. Manases ‘Mans’ Carpio sa kasong sibil na isinampa nila laban sa senador.
Nag-ugat ang reklamo ng magbayaw sa panayam sa senador ng isang istasyon ng radyo sa Cebu City noong buwan ng Setyembre, kung saan inakusahan sila na nakipagkutsabahan umano sa director ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 7 na si Ahmed Cuison para kotongan ang Uber kapalit ng kanilang prangkisa sa rehiyon.
Kapwa itinanggi nina Duterte at Carpio ang bintang ni Trillanes at malinaw anila na ito ay black propaganda para siraan sila at ang buong pamilya Duterte.
Batay sa inihaing reklamo, humihingi ang magbayaw ng P100,000 para sa nominal damages, P3 milyon bilang moral damages, P3 milyon sa exemplary damages at P500,000 sa attorney’s fees at iba pang bayad sa litigasyon.
Isinampa nila ang kaso sa Office of the Clerk of Court sa Davao City noong Disyembre 27 at nai-raffle sa sala ni Judge Mario Duaves ng Regional Trial Court Branch 15.
The post Trillanes pinagbabayad ng P6.6M para sa paninira sa pamilyang Duterte appeared first on - News Portal Philippines.
Komentar
Posting Komentar