Revolutionary gov’t, ‘option’ kapag ‘maghingalo’ ang gobyerno – Roque
Nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na walang dapat ipangamba sa umano’y balak ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng revolutionary government.
Sinabi ni Roque na “option” lamang daw ito ng punong ehikutibo sa oras na “maghingalo”ang gobyerno.
Idedeklara lamang daw ito kung magkaroon aniya ng pagtatangka na sapilitang patalsikin sa puwesto si Pangulong Duterte.
“Ang sabi ng presidente, kung hindi naman naghihingalo ang gobyerno hindi kakailanganin ang revgov (revolutionary government),” ani Roque.
Wala rin aniyang dahilan para ideklara ang revolutionary government sapagkat mataas ang popularity ng pangulo, na inaasahang mas tataas pa ngayong Disyembre.
Ang nagdedeklara lamang din daw ng isang revolutionary government ay ang mga walang mandato mula sa taumbayan.
Umapela si Roque sa mga kritiko ni Pangulong Duterte na hayaan muna itong manilbihan sa publiko, at hintayin na lamang ang 2022, na siyang pagtatapos ng termino nito.
Samantala, nilinaw naman ni Roque ang shoot to kill order umano ni Pangulong Duterte laban sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA).
Alinsunod daw sa International Humanitarian Law, lahat ng kasapi ng digmaan ay maaring barilin.
Nangangahulugan ito na hindi lahat ng NPA ay kasama sa shoot to kill order, bagkus ang mga makakasagupa lamang sa engkuwentro.
“Hindi lahat ng tao ay babarilin kundi ang kasapi lamang sa nagaganap na rebelyon sa ating bayan. Sang-ayon sa ating batas, sa International Humanitarian Law, sila naman ay maituturing na valued military target,” sambit ni Roque.
The post Revolutionary gov’t, ‘option’ kapag ‘maghingalo’ ang gobyerno – Roque appeared first on News Portal Philippines.
Komentar
Posting Komentar